Isang kotse ang nagliyab sa Aurora Boulevard sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw. Ang hinihinalang dahilan ng insidente, ang naiwan daw na basahan sa makina.



Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita," sinabing naisalba naman na hindi masunog ang buong sasakyan nang kaagad na sumaklolo ang fire volunteer na si Francis Francisco, na may dalang fire extinguisher.

Tumulong din ang iba pang nagmagandang-loob para maisalba ang kotse.

Ligtas naman na nakalabas sa kotse ang may-ari nito at ang kaniyang kaibigan.

Kuwento ng driver, maayos naman ang takbo ng sasakyan pero may naamoy daw na nasusunog ang kaniyang kasama.

Maya-maya lang, nagliyab na ang unahan ng sasakyan.

Nagpasalamat naman ang driver sa lahat ng tumulong sa kaniya.--FRJ, GMA news