Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11314, o ang batas na nagbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento sa pamasahe ng mga estudyante sa iba't ibang uri ng pampublikong transportasyon.

Sa ilalim ng naturang batas, discounted ng 20 porsiyento ng bayad sa pamasahe ng mga estudyante sa mga pampublikong transportasyon sa bansa tulad ng bus, jeepneys, taxi, tren at maging sa eroplano at barko.

Sa dating batas, sa mga land public transportation vehicle lang may diskuwento ang mga estudyante.

Para makuha ang diskuwento, dapat magpakita ng validated identification card ang mag-aaral, o validated enrollment form, na may kasamang patunay na sa kaniya ito.

Sa mga eroplano, tanging sa base fare o presyo ng tiket magagamit ang diskuwento.
Ang mga estudyanteng sakop ng batas ay ang mga naka-enroll sa elementarya, secondary, technical at vocational, o higher education institution.

Hindi naman kasama ang mga naka-enroll sa dancing o driving schools, short-term courses o seminar type o post-graduate studies, tulad ng mga kumuha ng medicine, law, masters at doctorate degrees.

Hindi rin maaaring magamit ang discount sa mga promotional fare tulad sa mga airlines, shipping lines, at iba pa.— FRJ, GMA News