Nanawagan ng tulong pinansyal ang pamilya ng 1-taong gulang na umano'y ginahasa at natagpuang patay sa isang gusali sa Makati nitong Martes ng gabi.

Gusto na raw sana kasi nilang ipalibing ang bata pero hindi nila alam kung saan kukunin ang 36,000 pesos na pambayad sa punerarya.

Bukod diyan, may kailangan pa raw bayaran  sa sementeryo para sa puntod ng bata.

Nakaburol na ngayon si Baby Angelo sa bangketa sa Barangay Dela Paz.

Dumating sa burol kagabi ang mga kaanak at kapitbahay ng bata.

Labis pa rin ang hinagpis ng lola at mga magulang ng bata. Gusto nilang buhay rin ang ibayad ng pumatay kay Baby Angelo.

Nakita ang bangkay ng bata sa isang abandonadong gusali sa Yakal street sa Barangay San Antonio nitong Martes ng gabi kung saan nakatira ang pamilya ng biktima.

Ang suspek na isang construction worker, na katrabaho ng tiyuhin ng nanay ng bata.

Inimbitahan daw ang suspek sa bahay dahil kaarawan ng lolo ng biktima. — BAP, GMA News