Napaiyak na lamang ang isang lola na galing pa sa Naval, Biliran, nang magpabalik-balik siya sa main office ng Social Security System sa Quezon City para kumuha ng burial claim.

Sa ulat ni Raffy Tima sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, sinabing nagdesisyon si Aling Nenita Sabili na sa main office na kumuha ng funeral claim para sa mas mabilis umanong proseso.

Dumating si Aling Nenita noong Hunyo 12 ng Maynila pero pinabalik siya ng Hulyo 17 para kumpletuhin ang kaniyang papeles. Pero nang makabalik, hiningi naman sa kaniya ang NSO marriage certificate.

Dahil dito, sa labas ng NSO office na lang nagpalipas ng gabi si Aling Nenita para makatipid sa pamasahe.

Matapos makuha ang kaniyang marriage certificate, original na resibo naman ng punerarya ang hiningi sa kaniya.

"Aga-aga, punta ako dito. Sabi niya, binigay ko sa kaniya 'yung, sa kasal na lang daw namin ang wala. Sabi ni ma'am, manghipi na pud siya ng original sa punerarya... Sabi ko ma'am magtawag na lang ako sa Biliran. I-LBC na lang, LBC. Hirap na ako," sabi ni Aling Nenita.

Samantala sa Land Registration Authority, naabutan ng GMA News si Janette na pumila buong umaga para makakuha ng certification of true copy of title.

"Medyo nahirapan lang ho kami kasi nga hindi ho namin maintindihan kung ano ang dapat naming kuhanin. Tinuturo kami dito, tinuturo kami do'n... Kahit paano naman meron na rin kaming nakuhang mga requirements. Babalikan na lang po namin," saad ni Janette.

Sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes, sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensiya tulad SSS at LRA na ayusin nila ang kanilang serbisyo.

Ipinaliwanag ni SSS Senior Vice President Voltaire Agas na 35 milyon ang bilang ng kanilang mga kliyente habang isang milyon lamang ang kanilang empleyado kaya hindi maiiwasan ang mga reklamo.

"The SSS has been cited naman in the past na we have been responding very well to the concerns," sabi ni Agas.

Isinaad naman ni LRA Deputy Administrator Ronald Ortile na patuloy nilang pinabubuti ang kanilang serbisyo.

Sinita rin ni Pangulong Duterte ang Land Transportation Office, Bureau of Internal Revenue at Pag-IBIG.

“I reiterate my directive to the government offices and instrumentalities, including local government units and government corporations: Simplify. Simplify just like the others...I have been asking that from you since three years ago. Kapag hindi pa din n’yo nagawa ‘yan, papatayin ko talaga kayo. Bwisit na,” ani Duterte.

Wala namang nagrereklamo nang madatnan ng GMA News ang mga nakapila para sa bagong lisensiya at rehistro.

"Ngayon lang ho ako dumating. Naka-process ka naman kaagad. Hindi tulad dati na maghihintay ka ng number. Mabilis ho ngayon," sabi ng isang nakapila.

Bumilis na rin pati pagkuha ng NBI clearance mula nang ipatupad ang online registration noong 2015.

"'Pag natapos 'yun at walang lumabas sa monitor ng computer na hit, in less than two minutes you can get your clearance. Garantisado 'yun kasi dire-diretso ka na du'n sa clearance section namin," sabi ni Nick Suarez, hepe ng NBI Information Division.

"Mabilis 'yung online at pagdating mo dito, iko-confirm mo na lang sa taas kung hindi pa nila na-receive 'yung payment mo. Pagdating dito picture agad," ayon kay Noel Calamanan, nag-apply ng NBI clearance.

Maaantala lamang ang isang aplikante kung may nakitang problema sa record o kung nagkataong maraming kasabay na walk-in.

Maaari kasing dumireto sa NBI office ang mga walang internet access at doon, puwedeng libreng gumamit ng computer.

"Dalawang bagay 'yung pag nag-hit—either may kapangalan ka or may kaso ka. Kung kapangalan mo may kaso that would cause additional delay," sabi pa ni Suarez.

Sinusubukan pa ng GMA News na kuhanin ang pahayag ng BIR at ang Pag-IBIG kaugnay sa puna ni Duterte. —Jamil Santos/KG, GMA News