Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na regular holiday sa buong bansa sa Marso 20, 2026 bilang paggunita sa Eid’l Fitr, ayon sa Malacañang ngayong Huwebes.

Ipinagdiriwang ng mga Muslim ang Eid’l Fitr sa buong mundo sa loob ng tatlong araw pagkatapos ng Ramadan, ang banal na buwan sa Islam na nakatuon sa espirituwal na pagninilay sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aayuno, at pag-iwas sa mga gawaing makasalanan.

Nagsimula ang Ramadan noong Pebrero 19.

Nitong Huwebes, nakiisa si Marcos sa mga miyembro ng Muslim community, at mga pinuno mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Grand Iftar sa Malacañang, at muli niyang pinagtibay ang paggalang ng pamahalaan sa mga tradisyon at kontribusyon ng mga Pilipinong Muslim.

“The declaration recognizes the significance of Eid’l Fitr, which marks the end of the holy month of Ramadan, a period devoted to prayer, reflection, and fasting,” ayon sa Presidential Communications Office.

Nagpaabot din ng pagbati ang Malacañang sa komunidad ng Muslim sa Pilipinas at sa buong mundo habang naghahanda silang ipagdiwang ang Eid’l Fitr kasama ang kanilang mga pamilya at komunidad. -- Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News