Nasawi ang isang 60-anyos na senior citizen matapos mabagok ang ulo nang suntukin umano ng kaniyang kainuman sa Masinloc, Zambales.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nauwi sa pagtatalo ang inuman ng dalawa na humantong sa panununtok ng suspek sa biktima.
Tumakas ang suspek nang matumba ang biktima at tumama ang ulo sa sementadong kalsada pero nadakip din siya kalaunan.
Mahaharap sa karampatang reklamo ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
