Sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang batas na magbibigay sa kaniya ng emergency powers upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Sa ilalim ng House Bill No. 8418, maaaring suspindihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa mga produktong petrolyo nang hanggang anim na buwan, kung ang average price ng Dubai crude oil ay lalampas sa US$80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ipatupad ang suspensyon o pagbawas ng excise tax.

Nakasaad din sa panukalang batas na ang naturang kapangyarihan na ibibigay sa Pangulo ay magiging epektibo lamang hanggang Disyembre 31, 2028.

Ginawa ang panukala sa harap ng malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo bunsod ng kaguluhan sa Middle East dahil sa labanan ng pinagsanib na puwersa ng Israel at Amerika, laban sa Iran.

BASAHIN: Taas-presyo sa diesel, posibleng pumalo sa higit P20 per liter sa Martes, March 10, 2026; kerosene, aabot sa P38.50/L

Inaasahan na muli na namang magkakaroon ng malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. — Tina Panganiban-Perez/FRJ GMA Integrated News