Nahuli-cam ang pagbatok at pambubugbog ng isang driver ng kotse sa isang tricycle driver na nagbaba ng pasahero sa gilid ng kalsada na nakaabala sa daloy ng mga sasakyan sa Lapu-Lapu, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video habang nagbaba ng pasahero ng tricycle sa gilid ng kalsada sa Barangay Basak.

Pero dahil nasakop ng tricycle ang bahagi ng kalsada, natigil ang biyahe ng mga sasakyan na nasa kaniyang likuran.

Maya-maya pa, bumaba na ang driver ng isang kotse, sinundan ang papaalis nang tricycle at binatukan niya ang driver nito.

Huminto ang tricycle driver at kinumpronta ang nambatok sa kaniya, na humantong sa suntukan ng dalawa.

Napunta ang dalawa sa gilid ng kalsada hanggang sa mabugbog na ng driver ng kotse ang tricycle driver.

Sa isang kuha ng cellphone video, makikitang inaawat na ng ilang tao ang dalawa.

Sinabi ng tricycle driver na bumaba siya upang alamin kung bakit siya binatukan ng driver ng kotse.

Tugon ng driver ng kotse, kamuntikan na siyang dumikit sa nasa unahan niyang taxi dahil sa paghinto ng tricycle.

Nagka-areglo din ang dalawa kalaunan.

Sinubukang kunan ng panig ang driver ng kotse ngunit hindi umano ito umuwi sa kanilang bahay matapos ang insidente.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Land Transportation Office sa Central Visayas kaugnay ng insidente.

Magpapadala rin ang ahensiya ng show cause order sa nasabing driver para pagpaliwanagin. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News