Nang dahil sa isang katanungan tungkol sa katabaan, natauhan ang isang obese na lalaki na umabot ng 235 pounds ang timbang para baguhin ang kaniyang lifestyle at magpapayat.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing naging tampulan ng tukso si John Nieves dahil hindi niya magawa ang ilang simpleng bagay dahil sa kaniyang katabaan.

Bata pa lamang, mahilig na sa matatamis tulad ng tsokolate at softdrinks si John. At nang magbinata, lalo pa siyang lumobo nang makahiligan din siya ang pagkain ng mga chitchirya kahit hindi naman siya gutom.

Dahil pa raw sa hilig niya sa kanin, ketchup kung minsan ang ginagawa niyang ulam.

Bagaman nagbabasketball, binabawi ni John sa pagkain ang kaniyang tinutunaw, hanggang sa hindi na niya makontrol ang kaniyang pagtaba. Iba na ang kaniyang stamina nang magkolehiyo, at umabot siya sa Obese Class 3.

Ngunit 2016 nang magdesisyon siyang seryosohin ang pagpapapayat, lalo't napaisip din siya sa tanong na, "Nakakita ka na ba ng matandang mataba?"

"Napaisip ako, na-realize ko na the worst part, namamatay silang maaga, or sometime within their lives, binabago nila 'yung sarili nila para umabot sila at certain point," saad ni John.

Matapos ang halos tatlong taon, 168 pounds na lang ngayon si John at na kabilang pa sa Top 50 finalists ng fitness event ng kaniyang gym. Panoorin ang ginawa niyang workout at diet para maibaba ang kaniyang timbang.


--FRJ, GMA News