Apat na lalaki ang inaresto ng mga pulis kaugnay ng pagnanakaw sa isang condominium unit sa Quezon City kamakailan.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa "24 Oras", nabawi sa mga suspect ang ilan sa mga ninakaw na gamit at pera na aabot daw ang halaga sa P13 milyon.

Kinilala ang mga suspect na sina Jimwell Bondoc, Eric Eulogio, Pierre Lance Lansang at April Kyle Gonzales.

Ang biktimang si Bernard Cloma ay matagal na raw kabigan ni Bondoc.

Ayon sa imbestigasyon, umupa ng unit sa condo ng biktima si Bondoc simula July 19.

Habang nasa abroad daw ang biktima, sapilitang pinasok ng mga suspect ang unit nito at pinagnakawan.

Bukod sa mga designer bags, damit, sapatos, mga mamahaling relo at pera, nakuha rin sa mga suspect ang mga papel ng pinagsanlaan ng mga ninakaw.

Nakuha rin sa mga suspect ang isang bagong motorsiklo na binili daw gamit ang perang ninakaw sa biktima. —NB, GMA News