Nauwi sa trahediya ang masaya sanang bonding ng magkakaibigan nang atakihin sa puso at masawi ang isa sa kanila habang nasa loob ng horror house na "Asylum Manila" sa Quezon City.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing hirap pa rin si Hershey Eusebio na lapitan sa loob ng kabaong ang labi ng kaniyang asawang si Arlan.
Nasawi nitong linggo si Arlan sa loob ng horror house habang kasama ang kaniyang mga kaibigan kung saan nila naisipan na mag-bonding. Dalawang linggo raw itong pinagplanuhan ng magkakaibigan.
Ayon kay Oliver Lopez, na kasama ni Arlan sa horror house, may mga lugar sa atrasksyon na walang gaanong hangin at mainit.
Pagdating daw sa gitnang bahagi ng horror house, nanginig na si Arlan at unti-unting bumagsak sa kaniya.
Aminado si Hershey na may diabetes at komplikasyon sa puso ang kaniyang mister pero pinili pa rin daw nitong pumirma ng waiver at pumasok sa horror house.
Ikinasasama ng loob ni Hershey na hindi umano kaagad nabigyan ng tulong ang kaniyang mister.
"Imagine halos 30 minutes nag-stay du'n ang asawa ko. Wala silang first aid na ginawa. Kung may first aid, buhay pa siguro ang asawa ko," hinanakit niya.
Sa pahayag ng Asylum Manila, sinabi nilang nakalulungkot ang insidente na may inatake sa puso habang bumibisita sa kanilang atraksiyon.
Nakikiramay daw sila sa pamilya at nag-alok na rin umano ito ng tulong sa kanila.
Nilinaw din ng Asylum Manila na hindi nila kasalanan. Marami raw talagang nabibiktima ang sakit sa puso at maaaring tumama sa panahong 'di inaasahan.
Sinisiguro naman nilang prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang mga bisita.
Binanggit din ng Asylum na hindi dapat pumapasok sa mga nakatatakot na atraksyon ang mga taong may iniindang sakit. -- FRJ, GMA News
