Kalaboso ang isang lalaki sa Quezon City na isinuplong ng kaniyang asawa dahil umano sa panggagahasa ng 3-anyos nilang anak

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Biyernes, sinabing mismong ang ina ng biktima ang nagturo sa mga pulis noong Martes ng gabi sa kinaroroonan ng mister na inakusahan niya ng panggagahasa sa kanilang 3-anyos na anak.

Natutulog pa umano ang suspek sa kanilang bahay sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, nang madatnan ng mga pulis na agad na inaresto.

Nakaharp-harap ang suspek, ang kaniyang asawa, at ang paslit sa tanggapan ng Women and Children Protection Desk ng Batasan Police Station.

 Sa salaysay ng ina, umanoy nagsumbong ang bata sa ginawang kahalayan sa kanya ng ama noong nakaraang Linggo.

“Nasaktan ako kasi maliit pa ang bata, mag-aapat na taon pa lang nakaranas na siya ng bleeding,” pahayag ng ina.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nalaman na maraming beses nang inireklamo ang suspek ng kaniyang asawa ng pananakit.

“Actually, madalas na itong inirereklamo sa barangay dahil sa pananakit sa kanyang asawa. ‘Yung ginawa ng lalaki hindi na pwedeng palampasin yun, anak na nila ang sinalbahe niya,” pahayag ni Police Lt. Colonel Joel Villanueva, commander ng Batasan Police Station

Nahaharap sa kasong rape ang suspek. Gayunman, desidido ang kanyang asawa sa isinampang kaso laban sa suspek. —LBG, GMA News