Nitong nakaraang mga linggo, napabalita ang mga nahuhuling malalaking isda sa Pasig river, pero babala ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), hindi ligtas kainin ang mga ito dahil sa nakitang chemical element sa isinagawang pagsusuri.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang nahuling isdang "dory" ni Michael Crudo na tumitimbang ng 17 kilo.

Bukod sa dory, may nahuhuling ring mga malalaking hito at tilapia sa ilog.
Ang residenteng si Robert Retolado, sinabing dati na siyang namimingwit sa ilog at kinakain niya ang mga nahuhuling isda.

Pero batay umano sa isinagawang pagsusuri ng PRRC sa ilang nahuling isda sa ilog, lumitaw na hindi ligtas kainin ang mga ito dahil bagsak sa itinadakang kalidad.

Ayon kay Yra Dalao, tagapagsalita ng PRRC, pumasa sa lima sa anim na quality standards ang isdang tilapia na sinuri pero bumagsak sa "Chromium 6" na nagtataglay ng "metal" na ginagamit sa pagwe-welding.

Bukod sa chromium, kinakitaan din ang mga ito ng mercury, lead at mataas na fecal coliform content, o dumi ng tao o hayop.

Base umano sa pamantayan ng food and agricultural organization ng United Nations, ang katanggap tanggap lamang na limit ng fecal coliform sa isda ay hindi dapat lalagpas sa 10 most probable number per gram. Pero ang mga isda sa pasig river, kinakitaan ng aabot sa sa 2,400 most probable number per gram.

"Kung 'di man nila nararamdaman ngayon 'yung sintomas sa pagkain ng isda later on in their life mararamdaman din po nila 'yon," ayon kay Dalao.

Sa ngayon patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PRRC sa mga lokal na pamahalaan para mabigyang babala ang mga nanghuhuli ng isda sa ilog Pasig.

Bagaman malungkot na balita na hindi ligtas kainin ang mga isdang nahuhuli sa ilog, masaya na rin ang PRRC dahil ang pagkakaroon dito ng mga isda ay indikasyon na nanunumbalik na ang buhay ng Pasig river.--FRJ, GMA News