Nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pampanga ang lalaking idinadawit sa kasong iligal na droga ni Senador Leila De Lima. Pero giit ng lalaki, hindi totoong bagman siya ng senador, at sa halip, ginawa umano siyang "agent" ng mga pulis para mapasok ang sindikato ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang naarestong suspek sa Angeles, Pampanga na si Jose Adrian Tiamson Dera, alyas Jud, 30-anyos.

Kasama si Dera ni De lima, na kinasuhan at inisyuhan ng warrant of arrest dahil umano sa pagtanggap ng drug money mula sa mga drug lord na nakakakulong sa Bilibid.

"Sinabi ni Peter Co na nagbigay siya ng dalawang beses ng P5 milyon kay Jud for the candidacy ni...now senator De Lima. As far as our investigation is concerned, wala kaming makitang involvement niya. Siguro base sa evaluation ng NPS, they recommended Jud to be charged also," sabi ni Atty Jun De Zuzman, NBI, Deputy Director.

Ngunit paliwanag ni Dera, hindi totoo na tauhan o bagman siya De Lima. Hindi rin umano totoo na pamangkin siya ng senadora.

Kuwento, niya ni-recruit daw noong February 2016 para maging deep penetrating agent [DPA] ng pulis para makakuha ng mga impormasyon mula sa drug lords na nakakulong sa Bilibid.

Mayroon umano siyang patunay na dokumento na magpapatunay na naging ahente siya pasa "Coplan Limestone," na pirmado rin ng mga pulis mula sa Regional Anti Illegal Drugs noong panahong iyon.

Sa pamamagitan umano ng kaniyang diskarte, makapasok siya sa grupo ng mga drug lord.

"Kunyari-kunyari na boyfriend dati ni De Lima yung tiyuhin ko, na ginawa nilang big deal yun eh wala naman 'yon, para mauto sila," sabi ni Dera.

"Yun ang pinaka-impact nun, para mapalapit ako sa kanila. Madami po akong nabigay na accomplishment, yung iba nakakulong, may natuluyan na po, nahatulan na yung iba," dagdag niya.

Sinabi rin niya na walang katotohanan na nagdadala siya ng pera o anuman na ibinibintang sa kaniya.

Ayon naman kay Atty. Raymond Palad, abogado ni Dera, "Na-infiltrate niya yung group ni Peter Co, Hans Tan, to the point na dumadalaw pa siya sa Bldg. 14 dahil nakuha niya yung trust ng mga taong ito. Whatever he does at that time ay dahil sa pagiging agent niya doon sa pnp because of his appointment."

Nakatakdang basahan ng sakdal si Dera sa susunod na buwan.--FRJ, GMA News