Kung may mga barangay na nag-aalok ng bigas kapalit ng daga bilang panlaban sa leptospirosis, ang isang barangay sa Mariveles, Bataan, lamok ang handang palitan ng bigas para naman labanan ang dengue.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita ang ilang residente ng Barangay Alion sa Mariveles, na "armado" ng mga plato at planggana na may mantika para manghuli ng lamok.
Mabilis naman daw silang nakakahuli ng mga lamok dahil dumidikit sa mantika ang mga ito.
Ang mahuhuli nilang 200 lamok, papalitan ng punong barangay ng isang kilong bigas.
Paliwanag ng kapitan ng barangay na si Al Balan, ang isang adult na lamok ay kaya raw lumikha ng 150 itlog.
"So kung mahuhuli natin yung 200, times 150, naparami po ng lamok na mape-prevent natin 'yan. Hindi natin alam baka carrier pala ng dengue 'yon [mga lamok]," paliwanag niya.
Pero kahit maganda ang programang paghuli sa lamok, sinabi ni Balan na mas mahalaga pa rin ang search and destroy drive program ng barangay o paglilinis ng kapaligiran para walang pamugaran ang mga lamok.
Kamakailan lang, pinakawalan naman sa Barangay Old Balara sa Quezon City ang 1,000 palaka na inaasahan nilang kakain sa mga lamok na may dala ng dengue virus.
Mga mga lugar din na matubig na isdang kumakain naman ng kiti-kiti ng lamok ang pinakakawalan.-- FRJ, GMA News
