Hinuli ang isang pulis matapos siyang ireklamo ng nakasagutan umano niyang traffic enforcer sa Maynila nitong Sabado.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, makikita sa CCTV footage na sinisita ng dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau ang isang truck sa Juan Luna Street.

Nilapitan sila ng isang lalaki at nagkaroon ng diskusyon.

Lumapit ang dalawa pang kasama ng lalaki para umawat.

Nagkaroon ng kaguluhan at makikitang bumagsak ang isang traffic enforcer.

Ayon sa traffic enforcer na si Reymond Buaron, ang kasagutan niya sa video ay si Police Corporal Aries Enriquez Flores ng Manila Police District.

Kuwento ni Buaron: "Merong sumisingit na, humahabol na pick-up. Pinalusot ko. Noong nakalusot naman, sinigawan ako na: 'Huli kayo ng huli, puro kayo pangongotong.' Sumigaw din ako kasi medyo malayo na ang agwat niya. (Sabi ko) 'Sir, wala kayong pakialam dito, trabaho ito.'"

Nasampahan na ng reklamong slight physical injury si Flores nitong Sabado.

"Nung lumingon po ako ng ganu'n, sinapok na ako. Dito (sa mukha) tumama. Pangalawa, dito, dito, sa ulo, sa likod," sabi ni Buaron.

Dagdag nito, ang ina raw ni Flores ang babaeng umawat sa away.

Nakakulong ngayon si Flores sa general assignment section ng MPD, pero tumanggi itong sagutin ang akusasyon.

"'Yung kaso naisampa na po sa korte, ma'am. I invoke my rights po, ma'am," sabi ng suspek.

Ayon naman sa MPD, hindi nito kukunsintihin si Flores. Dapat daw ay manatiling malamig ang ulo kahit gaano pa katensyonado ang sitwasyon.

Inutos na rin ni MPD District Director Police Brigadier General Vicente Danao, Jr. ang masusing imbestigasyon at tiniyak na magiging patas sila. —Margaret Claire Layug/KG, GMA News