Tatlo ang patay, habang mahigit 200 pasahero naman ang nasagip nang masunog ang isang pampasaherong barko habang nasa laot. Ang barko, galing umano sa Cebu at patungo sana sa Dapitan, Zamboanga Del Norte.



Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente dakong 1:00 a.m. Tanaw sa Pulauan port sa Dapitan ang nasusunog na MV Lite Ferry 16.

Kabilang sa tatlong nasawi ang isang taong gulang na bata.

Sa panayam kay Lieutenant Junior Grade Michael Encina, spokesperson ng Philippine Coast Guard-Central Visayas, sinabi nito na wala pa silang malinaw na detalye sa kung ilan ang pasahero ng barko pero patuloy ang kanilang rescue operation.

Umabot na umano sa 245 katao ang kanilang nasagip.

Batay din sa nakalap nilang impormasyon, lumilitaw na sa nagsimula ang sunog sa engine room.

Patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.--FRJ, GMA News