Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson nitong Huwebes na nasa apat na Chinese drug lords ang pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Hunyo. Samantala, nawawala naman daw ang listahan ng mga dapat sanang palalayain nitong Agosto.
Ayon kay Lacson, nakakuha siya ng kopya ng mga bilanggo na nakalaya mula sa New Bilibid Prison at apat sa mga ito ay Chinese drug lords.
“Actually, they were released to the custody of the Bureau of Immigration for possible deportation but these are convicted Chinese drug lords that have already been released… all these Chinese drug lords have been convicted for violation of the illegal drug laws,” sabi ng senador sa mga mamamahayag.
Sabi pa ni Lacson, nagsilbi noon na hepe ng Philippine National Police, nakapiit ang mga dayuhan sa Maximum Security Compound ng Bilibid at inilipat sa Bureau of Immigration and Deportation.
Hindi direktang sinabi ng senador kung may kaugnayan sa kontrobersiyal na Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law ang dahilan kaya nakalaya ang mga dayuhang drug lord.
Sinabi rin ni Lacson na humingi siya ng listahan ng mga palalayang bilanggo nitong Agosto 20, na sinasabing kasama dapat ang convicted rapist-murderer na si Antonio Sanchez, pero nawawala umano ang listahan.
Una rito, sinabi ni Sanchez, dating alkalde ng Calauan, Laguna, at maging ng kaniyang pamilya, na pirmado na ang release document nito.
Na-convict si Sanchez noong 1995 sa kasong paghalay at pagpatay sa UP- Los Baños student na si Eileen Sarmenta, at pagpatay pa sa kaibigan nitong si Allan Gomez noong 1993.
Dahil sa malakas na pagtutol mula sa publiko na makalaya si Sanchez, ipinasuspindi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa BuCor ang pagproseso ng GCTA sa mga bilanggo.
Sinabi naman ni BuCor director Nicanor Faeldon na hindi pa nila narerepaso ang record ni Sanchez.—FRJ, GMA News
