Todo-hingi ng tawad ang isang lalaki matapos siyang ireklamo ng pangmomolestiya at pambubugbog umano sa tatlo niyang anak sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City.

Ayon sa ulat ni James Agustin para sa Unang Balita nitong Martes,  unang dumulog sa barangay hall ang labing tatlong-taong gulang na anak na kabubugbog lang umano ng kanyang tatay kagabi.

Nadiskubre na ilang beses na rin umano siyang minolestiya ng kanyang tatay. Maging ang dalawa pa niyang kapatid na edad 11 at walo, nakaranas din daw nito.

Ani Cherrylyn Andres ng Violence Against Women and Their Children council sa E. Rodriguez: "Sa pagtatanong ko sa bata umamin niya na hinahawakan yung maseselang parte ng katawan,"

Agad na ipinatawag ang mga magulang ng mga bata. Ang nanay, kagabi lang daw nalaman ang ginagawa ng kanyang asawa. Umamin naman ang tatay na ilang beses na niyang napagbuhatan ng kamay ang tatlo sa pito niyang anak.

"Nabigla lang kasi sinabi ko kaninang umaga kung hindi magpapaalam. Ngayon umalis yung anak ko hindi ko alam kung sana patungo," sabi ng suspek.

Inamin din niya na nahawakan sa maseselang bahagi ng katawan ang 13-anyos na anak dahil daw sa sobrang kalasingan.

"Talagang nahawakan ko nung ano pa matagal na. Ilang years na. S'yempre lasing ako hindi ko alam. Minsan, 'yung asawa ko nga, hindi ko alam if nayakap ko o hindi. Ganu'n ang dahilan doon."

Mahaharap ang tatay sa mga reklamong child abuse at physical injury.

I-assess pa raw ng mga social worker kung papayagan na manatili sa kustodiya ng nanay ang mga anak nito.

"Sana patawarin na lang nila ako. Hindi ko na uulitin. Kung gusto nila hindi ako nakikita sa bahay doon ako sa palengke matutulog."

Ayon naman sa punong barangay na si Marciano Buena-Agua, Jr.: "Napatunayan ko naman na talagang may mga lapses sila biglang magulang kasi hindi nila napag-aral ang kanilang mga anak. Ito, 13 year-old na grade 2 lang ang natapos." — Margaret Claire Layug/RSJ, GMA News