Madaling-araw ng Linggo nang magising si Jackielou Langomez at kanyang asawa at madiskubreng wala na ang 5-taong-gulang na anak na babae sa higaan nito.  

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras, natagpuan nila ang anak na si Princess Angela sa isang eskinita sa kanilang lugar sa Barangay Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan.

Dinatnan nilang duguan ang anak at nag-aagaw-buhay. Agad na isinugod ang bata sa ospital subalit binawian din ng buhay.

Suspek sa pandurukot si Emmanuel Lambojon, 24-anyos na kapitbahay.  

Suspetsa ng ina ng biktima na panggagahasa ang pakay ni Lambojon, pero nataranta ito dahil sa humahabol na mga residente kaya pinalo na lang ng matigas na bagay sa ulo at iniwan sa eskinita.

"Siguro sir, gagahasain, eh nabulabog, kasi marami na sumunod sa kanya," ayon kay Langomez.

Gabi bago ang pagtangay sa bata, pinasok na raw pala ng suspek ang bahay ng biktima.

"Alas nuwebe ng gabi pumasok po siya sir, sabi ko, bakit ka pumasok binitawan niya yung celphone tapos sabay labas," Langomez said.

Ayon kay Police Staff Sergeant Gilbert Cuno, nasa drug watch list si Lambojon at dati na ring may kasong robbery.

Sa pagpunta ng imbestigador sa bahay ng suspek, naabutan nito si Fely Lambojon, kanyang loa.

"Hindi naman na to ikatanggi, totoo man na nag-drugs sya," ayon sa lola.

Patuloy ang manhunt operation sa suspek. —LDF, GMA News