Hinihinala ng mga awtoridad na kinutuban na ang ginang na minasaker sa Bulacan, kasama ang dalawa niyang anak, nang magpunta sa kanilang bahay ang mga suspek kaya nag-text ito sa kaanak. Ang cellphone naman na ninakaw sa mga biktima, ibinenta ng mga suspek sa halagang P200.


 

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na nakatulong ang ipinadalang text message ng biktimang si Jaymee Casabuena sa kamag-anak para matukoy ang mga suspek sa karumal-dumal na krimen.

Miyerkules ng gabi nang makita sa kanilang bahay sa Barangay Kaypian sa San Jose Del Monte ang duguang bangkay ni Jaymee at dalawa niyang batang anak na edad walo at lima.

Nagtamo sila ng mga saksak sa katawan.

Ilang oras matapos ang krimen, naaresto sa follow-up operation ang mga suspek na sina Wilson Cortez at Joselito Cortez.

Ayon kay Police Colonel Chito Bersaluna, Director- Bulacan Police, bago ang krimen ay nag-text si Jaymee sa kaanak tungkol sa pagpunta ni Wilson sa bahay ng mga biktima.

Si Wilson ay kinakasama ng pinsan ni Jaymee kaya kilala siya ng mga biktima.

"Bago pala nangyari ang krimen noong gabi ng April 2, nakapag-text pa ang biktimang si Jaymee sa mga kamag-anak sinasabing naroroon sa bahay nila si Wilson," sabi ni Bersaluna.

Nakasaad din sa text ni Jaymee na may kasama pang isang lalaki si Wilson.

"May kutob siya [Jaymee]," ayon kay Bersaluna.

Una raw naaresto si Wilson sa North Caloocan, at itinuro naman nito ang kasamang si Joselito, na nadakip naman sa Barangay San Manuel sa San Jose del Monte din.

Nakita umano ang itinapon na duguang damit ng mga suspek, pati na ang patalim na ginamit umano sa krimen.

Kanina, ipinresenta ang dalawa kay PNP Chief General Oscar Albayalde pero kaagad din silang ibinalik sa police station.

Tumanggi rin silang magbigay ng pahayag.

Pero ayon sa pulisya, inamin ng dalawa na pagnanakaw ang pakay nila sa mga biktima pero pumalag daw si Jaymee kaya nila napatay ang mag-iina.

Ang ninakaw na cellphone ng biktima, naibenta lang daw nila sa halagang P200.

Nauna nang iniulat na inamin din umano ng mga suspek na naka-droga sila at lasing na nang magtungo sa bahay ng mag-iina.

READ: 2 suspek sa pagpatay sa mag-iina sa Bulacan, nadakip na

Sinabi naman ni Bersaluna na posible rin umanong tinangka pang halayin ng mga suspek ang biktima dahil may nakitang mga "defense wounds" sa biktima.

Nagpasalamat naman ang ama ni Jaymee sa mabilis na pagdakip sa mga suspek para mabigyan ng hustisya ang kaniyang anak at mga apo. -- FRJ, GMA News