Kabilang ang mga nagbebenta ng mga secondhand na libro sa mga bangketa sa University Belt sa Lungsod ng Maynila sa pinupuntirya ng clearing operations team ng Manila City government.

Ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, itinaboy na ang mga nagtitinda ng mga secondhand books sa Morayta corner Claro M. Recto, Sampaloc na karaniwang bilihan ng mga estudyante.

Pinangunahan ni Manila Department of Public Service (DPS) district manager Richie Laurel at mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang clearing operations.

Pero, sa kasagsagan ng paglilinis, isang lola na matagal nang nagtitinda ng libro sa bangketa, nagwala at galit na galit.

Ayon kay Aling Corazon Medina, marangal naman ang kanilang pagtitinda, hindi sila magnanakaw o nagtitinda ng shabu, pero bakit ngayon ay itinataboy sila.

Aniya pa, nagbabayad din daw sila ng "etneb" o bente pesos kada araw para sa upa sa bangketa.

Paliwanag naman ni Laurel, matagal nang nag-abiso ang Manila LGU na lilinisin ang lahat ng mga bangketa sa lungsod, bilang pagtalima sa 60-day deadline ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat tanggalin ang lahat ng uri ng obstructions.

Bukod naman sa mga tindahan ng mga libro, pinaalis na rin ang mga nagtitinda ng mga tropeyo at plake, mga nag-aalok ng notaryo at gumagawa ng mga ID lace. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News