Patay ang isang rider na nag-counterflow matapos itong mabangga ng UV express sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali, tumilapon si Jeffrey Lanuza mula sa motorsiklong minamaneho sa lakas ng impact ng banggaan.

Sugatan naman ang kaniyang angkas.

Wala umanong suot na helmet ang dalawang rider.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng UV Express.

Sa Koronadal, South Cotabato naman, naospital ang isang tricycle driver na pinaghihinalaang lasing matapos nitong makabanggaan ang isang rider.

Ayon sa saksi, mabilis ang takbo at pagewang-gewang ang tricycle nang bigla itong pumasok sa kabilang lane kung saan nakasalubong niya ang isang motorsiklo na walang ilaw.

Inoobserbahan pa rin ang tricycle driver samantalang nagtamo ng ilang galos sa katawan ang driver ng motorsiklo.

Sa San Jose, Occidental Mindoro, “kuliglig” naman ang nasangkot sa isang banggaan matapos itong masalpok ng bus.

Agad isinugod sa ospital ang mga nasugatan na sakay ng kuliglig na biyaheng Maynila. Dalawa sa kanila ay tumilapon.

Hawak na ng pulisya ang driver ng bus.

Sa Dasmariñas, Cavite naman, dalawang kaso ng banggaan ang naganap.

Hulicam ang banggaan ng pampasaherong jeep sa isang rider sa Aguinaldo Highway.

Nagkaayos din ang dalawang panig matapos ang insidente.

Sa isang u-turn slot naman sa Dasmariñas pa rin, nagbanggaan ang dalawang kotse dahil hindi raw napansin ng kotseng pa-u-turn ang paparating na sasakyan.

Nagkaaregluhan naman ang dalawa. —Julia Ornedo/LDF, GMA News