Naglaan ang Department of Trade and Industry (DTI) ng P2 bilyon para sa bagong tatag na OFW Negosyo Fund.

Layunin ng naturang programa na palakasin ang katatagan ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng mga hindi inaasahang pangyayari sa mundo.

“We are committed to opening doors for OFWs ready to come home and invest in their own country, especially when external crises force their hand," ayon kay DTI Secretary Cristina Roque sa isang pahayag nitong Huwebes.

“Access to capital is often the biggest barrier during these uncertain transitions. Through DTI-SBCorp, we've tailored this fund to equip them with the resources to build, hire, and secure their families' futures—no matter the circumstances,” dagdag niya.

Ayon sa pahayag, maaaring pakinabangan ng mga OFW ang programa simula sa Marso 12, 2026.

Magbibigay ito ng pinalawak na tulong pinansyal sa mga OFW upang matulungan silang harapin ang biglaang pagkawala ng trabaho sa ibang bansa—kabilang ang mga dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Makakatulong din ito sa kanilang pagbabalik sa bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng pangmatagalang negosyo.

Kabilang sa iniaalok ng OFW Negosyo Fund ay:

  • Loan Amount: mula P30,000 hanggang P20 milyon
  • Grace Period: Walang bayad sa kapital at interes sa unang taon para sa mga kuwalipikadong produkto
  • Repayment Terms: Hanggang limang taon na may flexible options.
  • Collateral: Hindi kailangan para sa mga pautang na hanggang P5 milyon.

Maaaring mag-apply ang mga OFW sa pamamagitan ng DTI-SBCorp Money App (sa Google Play at Huawei AppGallery) o sa web app sa app.sbcorp.ph.

Maari ding magparehistro online para sa loan facility sa sbcorp.gov.ph.

Samantala, para sa hands-on support, maaaring bumisita ang mga aplikante sa alinman sa 1,431 Negosyo Centers sa buong bansa. -- Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News