Sapul sa CCTV ang isang kulay gray na kotse na napadaan sa Governors Drive sa Dasmariñas, Cavite pasado alas sais ng umaga nitong march 1.
Ayon sa barangay Langkaan 1, eto ang kotse na nakita din noon sa isang ospital sa General Trias, Cavite na naghatid sa 19-anyos na si Kenneth Alcedo
Siya ang freshman maritime student ng PNTC Colleges na biktima umano ng fraternity hazing.
Mula sa Barangay Road, mayroon pa umanong halos tatlong kilometro bago makarating sa bakanteng lote ng Purok 6 Asiongan kung saan pinaniniwalaang naganap ang initiation rites.
Kahapon, sinuyod ng pulisya ang lugar. Makikita sa video kung gaano kasukal ang daanan.
Matapos yan, nag imbestiga na raw ang pulisya sa mga bahay na pinakamalapit doon.
Hanggang sa ilang CCTV footages ang nakalap ng PNP.
Pero sa pagdedetalye ng barangay, bandang 6:20 am nang makita sa cctv ang isang kotse at ilang motorsiklo na huminto sa dulo ng kalsada.
Hindi na nagtanong noon ang mga residente dahil inakala lang nila na maliligo sa ilog ang mga nagdatingan.
Mula sa dulo ng kalsada, nasa walong minuto raw bago ka makarating sa pinangyarihan mismo ng initiation rites. Kaya malabo rin daw na marinig ng mga residente ang nangyayari.
Bandang 10:58 am daw nang makita na sa CCTV ang biktimang si Kenneth habang paakyat na at pabalik sa kalsada.
Posibleng tapos na umano ng mga oras na yon ang initiation rites.
“Malakas pa siya, umakyat pa siya mag isa. Tatlo sila, sa gitna siya, naglalakad sila pero dahan dahan lang yung lakad then naupo pa siya para magpahinga don sa dulo ng kalsada papunta ng sasakyan nila,” sabi ni Kritian Ron Padilla Camerino, Secretary ng Brgy. Langkaan 1.
Nakita rin daw sa CCTV ang hindi bababa sa sampung lalaki na nakasakay naman sa mga motorsiklo ang kasabay umalis ng kotse kung saan nakasakay si Kenneth
Pero, naniniwala ang mga awtoridad na mayroon muna silang hinintuan doon na bahay kung saan sila pansamantalang nagpahinga. Doon na umano posibleng sumama ang pakiramdam ni Kenneth hanggang sa isinugod na siya sa isang ospital sa General Trias pero hindi na rin siya umabot ng buhay.
“Wala kaming namukhaan sabi nga namin lahat ito hindi taga-Langkaan 1 dahil halos lahat naman ng kabataan dito ay namumukhaan namin,” sabu ni Camerino.
Patuloy pa raw nilang tinutukoy kung saang bahay nagpahinga ang grupo at kung sino ang may ari nito.
Matapos naman ang pag iimbestiga kahapon ng pulisya, bigla na lang nasunog ang crime scene pasado alas singko ng hapon kahapon.
Sabi ng barangay, inaalam pa kung sinadya ba yan o dahil lang sa init ng panahon
Ayon naman sa Cavite Police Provincial Office, nasampahan na ng reklamong Anti-hazing Law at Obstruction of Justice ang driver ng kotse na naghatid sa biktima sa ospital.
Kinilala ang suspek sa alyas na "John," isang 23 anyos at 4th year maritime student kung saan din nag aaral ang biktima.
Habang patuloy naman kumikilos ang tracker team para mahanap ang iba pang sangkot sa hazing
Nakatakdang ipresenta mamaya ng pulisya ang kanilang mga bagong ebidensya at development kaugnay sa kaso ng pagkamatay ni Kenneth. —VAL GMA Integrated News
