Sa kulungan ang bagsak ng isang lasing na lalaki sa Maynila matapos arestuhin ng nakasuntukan niyang pulis, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Huwebes.
Ayon sa suspek, akala niya ay masamang-loob ang pulis kaya niya sinita.
Sa kuha ng CCTV, makikitang pumarada ang nakamotorsiklong pulis-Quezon City na si Corporal Rufi James Yadao sa tapat ng bibisitahing kaibigan.
Maya-maya, isang lalaking nagngangalang Rodel Dizon ang kumausap sa kanya. Bukod dito, kinapkapan din niya ang pulis.
Bumaba sa motorsiklo ang pulis at lumayo na kay Dizon pero makikitang lumalapit pa rin si Dizon sa kaniya. Makaraan ang ilang sandali, tinulak ni Yadao si Dizon, sinuntok at tsaka sila nagpambuno.
Maliban sa mga umaawat sa kanila, may mga rumespondeng pulis. Pero mismong si Yadao na ang umaresto kay Dizon na aminadong lasing.
Kinapkapan daw niya si Yadao at pinagmumura dahil hindi raw siya kumbinsidong pulis ito at pinaghinalaan din niyang masamang loob.
Mahaharap si Dizon sa mga reklamong unjust vexation, drunk and disorderly conduct, resistance and disobedience to a person in authority at direct assault.
Ayon naman kay Police Lieutenant Edgardo Alombro ng Manila Police District Station 4, maaaring may pananagutan din si Yadao dahil sa pananapak niya kay Dizon. —KBK, GMA News
