Mga miyembro ng isang fraternity sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang nabistong hine-haze umano ang kanilang neophytes nang ma-leak ang litrato ng kanilang mga usapan noong 2017 sa internet.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa Saksi nitong Huwebes, makikita sa mga text messages na inuutusan ng mga miyembro ng Sigma Rho Fraternity na huwag ipakita ng neophyte ang kanyang mga pasa na halos nasakop na ang buong braso.

Pinagbantaan din ang neophyte na siya ay mayayari kapag mayroong makakaalam ng mga pangyayari.

Mayroon ring litrato kung saan ang neophyte ay umanong nakayuko sa harap ng mga miyembro ng fraternity.

Nagpakita rin ng paddle ang isang lalaki sa isa pang conversation sa social media. Tinatawag nila nitong Delpad, isang gamit sa hazing sa mga nais makapasok sa fraternity.

Biglang nabuhay ang komunidad ng UP nang i-post ang mga screenshot sa anonymous Twitter account na Rho Sig Rambles na suspendido na ngayon.

Bumuhos naman kasunod nito ang hashtag na "End F-R-V" o "End Fraternity Violence" na kumokondena sa mga karahasan sa mga fraternity.

Mayroon nang mga miyembro ng Sigma Rho fraternity ang nakasuhan ng "grave misconduct and violence" base sa mga hindi pa kumpirmadong screenshots.

"Ilang decades na actually na pine-plague ng FRV yung university eh. Ang dami nang namatay, ang dami nang nasaktan," ani ng UP Student Community na UP Alyansa.

"'To po kasi ay usapin hindi lang ng mga fraternity, hindi lang ng mga members pero ng buong community dahil sa pagko-compromise ng safety nila [...] Tutol ang UP Alyansa dito, of course, dahil nga sa impunity na kinakalat nito," idinagdag nila.

Labintatlong miyembro ng fraternity ang pinatawan ng kaso ng unibersidad noon.

Nangako naman ang pamunuan ng UP na aaksyonan nila ang pangyayari. — Joahna Lei Casilao/BAP, GMA News