Dahil hindi raw sapat ang mga ebidensyang isinumite ng prosekusyon, ibinasura ng korte sa Malabon ang kasong parricide at murder na isinampa laban sa mag-amang akusado sa brutal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda, na nakita ang bangkay noong 2009 na nakasemento.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing inabsuwelto ng Malabon Regional Trial Court Branch 170 sa kasong parricide si Manuel Jimenez III, asawa ni Barrameda; at lusot naman sa kasong murder si Atty. Manuel Jimenez, Jr.
Dahil sa desisyon ng korte, hindi napigilan ng pamilya Barrameda na maging emosyonal nang humarap sa media.
Ayon sa aktres at dating beauty queen na si Rochelle, kapatid ni Ruby Rose, binalewala umano ng korte ang naunang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing may probable cause para litisin sa kaso ang asawa ng biktima.
Nanawagan naman ng tulong ang mga magulang ni Ruby Rose kay Pangulong Rodrigo Duterte at Justice Secretary Menardo Guevarra, para mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak.
Naghain na rin sila ng motion for reconsideration kasunod ng naging desisyon ng korte na ibasura ang kasong parricide laban kay Jimenez III.
Tanggap na raw nila ang desisyon na ibasura ang murder case laban sa nakatatandang Jimenez dahil hindi na mahanap si Manuel Montero, ang dating akusado na naging testigo at nagdiin noon kay Jimenez Jr.
Ang naturang testimonya ni Montero ay binawi rin niya kinalaunan. (READ: Suspect in Ruby Rose Barrameda slay wants to be state witness)
Matatandaan na nawala si Ruby Rose noong Marso 2007. Pero pagkaraan ng dalawang taon, nakita ang kaniyang bangkay sa loob ng sinementong drum na nasa ilalim ng tubig sa Navotas port. --FRJ, GMA News
