Isang high end KTV club sa Makati City na pugad umano ng prostitusyon ang sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI). Ang mga kliyente, hindi raw makakapasok kung walang online reservation.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing 91 na babaeng Chinese at apat na Pilipina ang nasagip ng Anti-Fraud Division ng NBI sa ginawang pagsalakay nitong Lunes ng gabi.
Nagkakahalaga umano ng P20,000 hanggang P35,000 ang bayad para sa mga Chinese na babaeng nagtatrabaho sa club, habang P29,000 naman ang ibinayad ng "asset" para sa isang Pinay.
"Pero marami rin po kasi sa amin takot din po sumama sa mga guest kaya karamihan po sa amin hindi po talaga sumasama," sabi ng isang nagtatrabaho sa club.
"Sa hirap po ng buhay. Tsaka mas malaki po yung sahod dito," dagdag ng isa pang nasagip.
Inaresto ang apat na Pinoy at apat na Tsino na namamahala sa club pero wala roon ang sinasabing may-ari ng club ng establisimyento.
Isinama rin ng mga awtoridad ang mga inabutang customer, na karamihan umano ay mga Tsinong lalaki para kuwestyunin.
“Bibigyan ka ng isang VIP room. Mamimili ka ngayon kung ano'ng gusto mo. Puwede kang kumuha ng babae doon,” ayon kay Romeo Astreto, executive officer ng NBI Anti-Fraud Division.
"Noong una dine-deny nila na may nangyayaring gano'n sa loob, prostitution, pero nakita niyo naman 'di ba, may mga used condom sa loob," dagdag niya.
Kailangan daw mag-online reservation ng mga customer para makapasok sa club kaya idadagdag ng NBI ang kasong paglabag sa Cybercrime Law sa mga ipapataw nila sa mga suspek.
Natuklasan din ng NBI na tourist visa lang ang dokumento ng mga nasagip na babaeng Tsino. Makikipag-ugnayan daw ang ahensiya sa Chinese embassy upang mapauwi ang mga dayuhan sa China.
Sa loob ng isang buwan, sinabi sa ulat na ito na ang ikatlong operasyon na isinagawa ng mga awtoridad sa Metro Manila sa mga prostitution den na may nasagip na mga dayuhang babae.
Noong September 4, anim na Vietnamese ang nasagip sa isang condo sa Makati. Samantalang noong September 19, nasa 50 Chinese ang nasagip sa ginagawang condominium sa Parañaque. -- Julia Mari T. Ornedo/FRJ, GMA News
