Sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap ni Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde, sinabi ng tagapagsalita ng kapulisan na buo ang suporta ng mga pulis sa kanilang pinuno.
Dahil dito, sinabi ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac nitong Miyerkules na hindi na kailangang magsagawa pa ng "loyalty check" sa hanay ng kapulisan.
"Sa ngayon wala tayong nakikitang pangangailangan na magkaroon ng loyalty check... Ang buong hanay ng Philippine National Police ay buo pa ring nakasuporta sa pamunuan ng PNP," sabi ni Banac sa mga mamamahayag.
Tiniyak din ni Banac sa publiko na patuloy ang kampanya ng PNP laban sa mga nagkakalat ng ilegal na droga at maging sa paglilinis sa kanilang hanay.
Gayunman, aminado si Banac na mayroon mga pulis na nalulungkot sa kontrobersiyang kinakaharap ngayon ng PNP. Pero tiwala siyang malalampasan nila ito.
"Masasabi natin na nalulungkot ang mga kasamahan natin sa ating hanay subalit 'di naman na bago ito dahil sa mahabang panahon ay maraming beses na rin naman na nagkaroon ng malalaking isyu," sabi ni Banac.
Sa pagdinig ng Senado nitong Martes tungkol sa umano'y mga "ninja cop" ma sangkot sa drug recycling, isiniwalat ng dating pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo'y Baguio City Mayor na su Benjamin Magalong Jr., na tinawagan siya ni Albayalde habang iniimbestigahan ang mga tauhan nito na sanggkot umano sa drug recycling sa Pampanga noong 2013.
Sinabi pa ni Magalong na nagkaroon din umano ng sport utility vehicle si Albayalde matapos ang kontrobersiyal na operasyon ng mga tauhan nito, tulad ng pagkakaroon ng SUV ng mga kinukuwestiyong pulis.
Itinanggi naman ni Albayalde ang mga alegasyon na nagkaroon siya ng SUV nang panahong iyon. Hinamon pa niya si Magalong na patunayan ang alegasyon.— FRJ, GMA News
