Inararo ng SUV ang ilang nakaparadang motorsiklo at tatlong tao sa Adriatico Street sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.

Hindi pa tukoy ang eksaktong bilang ng mga motorsiklong nasira ng SUV, na mabilis daw ang takbo at minamaneho ng nakainom na driver. 

Galing sa Adriatico Street ang SUV at nagdire diretso sa isang lote na ginagawang paradahan ng mga motor. Nagkataon namang may mga nakatayo dito nang mga oras na iyon.

Bagama't wala namang kritikal sa mga nasaktan, isa sa kanila ang nabasagan ng panga.

Wasak ang unahan ng SUV matapos nitong araruhin ang mga motorsiklo. Nasira rin daw ang mga kuntador ng tubig, dahilan upang mawalan ng tubig ang ilang bahay sa lugar. —KBK, GMA News