Isang linggo matapos sumuko ang rider na sangkot sa pagpatay sa dating close-in security aide ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nasakote naman sa Laguna ang itinuturong gunman o bumaril sa biktima na retiradong pulis.
Nitong Martes, iprinesinta ni Moreno sa publiko ang 27-anyos na suspek, kasama ang asawa nito, na suspek sa pagpatay sa biktimang si George Capistrano, 56-anyos.
Binaril at napatay si Capistrano habang pauwi na sa Barangay 134 sa Balut, Tondo noong madaling araw ng March 14.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita na hinarang ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang biktima na nakasakay din sa hiwalay na motorsiklo.
Bumaba ang gunman na angkas at binaril si Capistrano.
Kinuha ng mga salarin ang alahas ng biktima at tumakas.
Noong nakaraang Martes, sumuko ang rider na sangkot sa krimen matapos alukin ni Moreno ng pabuya kapalit ng pagbibigay ng impormasyon para madakip ang gunman.
Sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni Moreno, sinabing nadakip ang gunman sa isang lodging house sa San Pedro, Laguna matapos ang ilang araw na pagtugis sa kaniya ng mga awtoridad.
“Today, we can honestly say justice is served to the family of Capistrano,” pahayag ni Moreno sa “Talk to the People” Facebook livestream nitong Martes.
“Siya po ay kaninang madaling araw ay nadakip sa White Diamond Inn sa San Pedro, Laguna, base na rin sa mga impormasyong ibinigay ng publiko,” dagdag ng alkalde.
Batay sa ginawang pagtugis ng Manila Police District (MPD), nagpalipat-lipat umano ng mga lalawigan ang suspek sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, at sa Laguna.
Sa panayam ng mga mamahayag, inamin ng suspek ang ginawa niyang pagbaril sa biktima dahil nakita umano niyang bubunot ito ng baril.
Iginiit niya na holdap lang ang pakay nila sa biktima nang makita nila ito na may suot na mga alahas.
Ibinenta umano nila ang mga alahas at pinaghatian nila ng kaniyang kasama na rider na naunang sumuko kay Moreno.
Inaresto rin ang kinakasama ng suspek dahil sa pagtulong umano nito para mapagtago ang huli.
Kasamang nakuha ang suspek ang isang kalibre .40 na baril na sinasabing ginamit sa pagpatay sa biktima.
“Ang nagbibigay ng impormasyon sa ating kapulisan ay mga taong bayan. Alam niyo po kung sino kayo, at maraming salamat po sa inyo,” ayon kay Moreno.
“To the family of George Capistrano, I hope your city government has given justice today,” dagdag niya.-- FRJ GMA Integrated News

