Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin ng suspek na naniningil sa kaniya ng utang sa Pasig City. Ang biktima, pabalang umanong sumagot na ikinais ng suspek.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang pagtakbo at pamamaril ng suspek sa biktima na naganap sa Barangay Pinagbukatan.

Isang buntis din ang nasugatan sa insidente matapos madaplisan ng bala pero maayos na kaniyang kalagayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, napikon ang suspek dahil sa pabalang umanong pagsagot ng biktima nang sinisingil na sa utang. SInundan niya ito sa isang eskinita at pinagbabaril.

Tumakas ang suspek at nagtago pero naaresto rin siya kinalaunan sa kalapit na barangay nang umuwi sa bahay ng kinakasama.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang suspek.—FRJ GMA Integrated News