Nahuli-cam ang paghagip ng isang tricycle sa kasalubong na motorsiklo sa isang palikong kalsada sa Caloocan City. Ang driver umano ng tricycle, lasing umano.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita ang tricycle na mabilis ang takbo kahit papaliko ang kalsada. Kaya naman nawalan ng kontrol ang driver nito hangang sa magpagewang-gewang ang sasakyan.
Nagkataon naman na may paparating na motorsiklo na may dalawang sakay at nahagip sila ng tricycle.
Tinamaan sa ulo ang rider at angkas nitong babae saka sila sumemplang sa gilid ng kalsada.
Sa kabila ng nangyari, kaagad namang nakatayo ang mga sakay ng motorsiklo. Ligtas din ang driver ng tricycle at sakay nito.
Ayon sa uploader, lasing umano ang tricycle driver nang mangyari ang insidente at plano siyang idemanda ng rider.--FRJ, GMA News
