Ang mga inilibing na baboy na kinatay dahil sa African swine fever (ASF) sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City ay lumutang matapos ang isang malakas na ulan noong Setyembre 17.

Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Biyernes, ang mga baboy ay nilibing sa Tumana sa nasabing barangay, isang mababang lugar na madaling bahain.

Reklamo naman ng mga residenteng nakatira malapit sa grave site, ang mga baboy raw ay naglalabas ng masangsang na amoy at nagdudulot ng perwisyo sa kanila.

"Pagka umuulan, sumisingaw po yung amoy ng baboy. Sobra po talaga ang sakit ng ulo ko. Naoperahan na po ako twice sa sinusitis so lahat po ng naaamoy ko, parang nalalasahan ko na," ani ng isang residente.

Inamin naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi gaanong malalim ang mga hukay na ginawa nila noong una.

"Pero after this, gumawa sila ng protocol na bawat grave 12 feet deep and fully disinfected. Haulers are also supplied with disinfectant to fully disinfect after each cycle," paliwanag ni Belmonte.

Reklamo pa ng mga residente, hindi din raw maayos ang pagtatapon sa gloves at karayom na ginamit sa pag turok ng lethal injection sa mga baboy.

Nahuli pa ng isang nanay ang kanyang dalawang anak na tila ay ginagamit ang apat na pirasong mga karayom bilang laruan.

"Nakita ko lang naman po pinaglalaruan po nila yung karayom. Hawak-hawak nilang dalawa noong maliit ko. Tapos po tinapon ko po dito kasi baka pinanturok po sa baboy," sabi ng nanay.

"Sinusubo po nung maliit eh," idinagdag pa nito. Wala naman siyang napansing pagbabago sa kalusugan ng kanyang anak.

Ayon naman kay Belmonte, hindi rin daw ito ang protocol sa medical waste disposal.

"This is contrary to the protocols for medical waste disposal. Apparently how it is done is when the needles have been fully utilized, they are placed inside pet bottles and sealed, then thrown inside the burial site as well," aniya.

Ipinaliwanag rin ni Belmonte na hindi naman mapapasa ang ASF sa mga bata, ngunit ang mga ito ay puwedeng makakuha ng ibang sakit.

"Yung risks lang po is if someone uses the used needle. No risk of ASF transfer to humans but all needles have bacteria," sabi niya.

Hinihiling naman ng mga residente ay ang isang maayos na proseso.

"Wala pong problema kung maglibing sila dito basta ayusin lang nila at takpan nila nang mabuti. Kung kinakailangan sementuhin nila para hindi sumingaw yung ano pagka umulan, gawin nila," ani ng isang residente.

Sabi naman ni Belmonte, pinaalalahanan na ni Quezon City Veterinarian Dr. Anna Cabel ang kanyang mga tauhan sa tamang pagtapon sa medical waste.

Ipinadala na rin ni Belmonte ang mga tauhan ng Solid Waste Management Task Force at ang mga opisyal ng Barangay Bagong Silangan upang maaksyonan ang problema.

Ayon pa sa mga residente, pati ang kanilang kabuhayan ng pag gugulay ay naapektohan na rin ng mga baboy.

"Tulad ng mga nahukay na yan, may mga tanim po yan. Nasira lang. Wala na pong halos maitinda yung nanay ko," reklamo ng isang residente.

Binigyan ng Barangay Bagong SIlangan ang mga residente ng P500 na kompensasyon para sa mga nasirang gulay.

Sinubukan ng GMA News na kuhanan ng pahayag ang kapitan ng barangay at ang administrator, ngunit hindi sumasagot ang mga ito. — Joahna Lei Casilao/RSJ, GMA News