Inihayag ni Elections Commissioner Rowena Guanzon ang kaniyang intensyon na isama ang mga party-list nominee sa one-year appointment ban sa gobyerno kasunod ng pagkakatalaga kay Mocha Uson bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
"I am appearing in the Committee of Sen. Imee [Marcos]. [I] will propose ban should cover Party-List nominees," saad ni Guanzon sa kaniyang tweet nitong Huwebes.
"And party-list to put up bond. If nominee is DQ (disqualified), forfeit their bond," dagdag niya.
Ni-retweeted din ng opisyal ang isang social media post na nagsasaad na sinabi niyang: "They should not be a favored class because they are not a protected class."
Una rito, sinabi ni Commission on Elections spokesperson James Jimenez na hindi kasama ang mga party-list nominee sa mga sakop ng isang taong ban sa mga matalong kandidato para mabigyan ng posisyson sa gobyerno.
Ginawa ni Jimenez ang pahayag matapos lumutang ang mga tanong kung puwede bang italaga si Uson sa puwesto gayung natalo sa nakaraang halalan nitong Mayo ang kaniyang party-list group na AA-Kasosyo.
“She is not covered. Party-list nominees are not candidates per se and so, the rule does not apply to them,” paliwanag ni Jimenez.
Kung nanalo o nakakuha ng sapat na boto ang AA-Kasosyo, maaaring si Uson ang maging kinatawan ng grupo sa Kamara de Representantes bilang isang kongresista. — FRJ, GMA News
