Ikinuwento ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pagtitipon na dinaluhan niya kamakailan ang pagpapakilala ng bunso niyang anak na si Kitty, sa isa nitong kaibigang lalaki na nais daw siya makita.

“Ang Veronica ko [si Kitty], nagdala ng lalaki. Gusto daw ako makilala. Sabi ko, walang problema," pagbahagi ni Duterte sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Si Kitty, 14-anyos, ay anak ni  Duterte sa kaniyang partner na si Honeylet Avanceña.

Kamakailan lang ay pinag-usapan ng netizen ang litrato ni Kitty sa social media na kasama ang isang 17-anyos na binata, nasa high school din tulad ng anak ng pangulo.

Nang makausap umano ng pangulo ang lalaki, pinagbilinan daw niya ito.

"Mahal namin ‘yan, ngayon gusto mo akong makilala, eh kilala na kita ngayon at least, madali kitang hanapin," pagbahagi ng pangulo sa mga dumalo sa pagtitipon na madidinig na nagtawanan.

"Sabi ko, 'Just be decent, bata pa ‘yan'. Sabi ko, 'No physical. 'Wag mong hawakan maski ang kamay'," patuloy pa niya. "Huwag mong halikan ‘yan, hindi pa puwede at hindi sawsawan ‘yan."

Nabanggit din ng pangulo sa kaniyang talumpati ang isa pa niyang anak na babae na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Inalam ng GMA News kay Mayor Sara kung gaano kahigpit bilang ama ang pangulo.

Sabi ng alkalde, sadya raw istrikto ang kaniyang ama pagdating sa pakikipag-boyfriend.--FRJ, GMA News