Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga residente malapit sa dalampasigan ng mga lungsuod ng Las Piñas at Pañaque na huwag munang kumain ng mga isdang naglulutangan sa Manila Bay hanggang hindi pa napapatunayan na ligtas kainin ang mga ito.

Sa ulat ng Unang Balita, sinabi ng BFAR na dapat munang malaman kung ano ang dahilan ng fish kill at masisigurong maaaring kainin ng tao ang mga isda.

Noong Huwebes, iba't ibang uri ng patay na isda ang nakita sa baybayin ng Las Piñas at Parañaque.

Daan-daang patay at naghihingalong isda ang lumutang sa Long island sa Las Piñas, at umabot a sa katabing-dalampasigan na sakop ng Parañaque.

Ayon sa ulat ng GMA News TV  "Quick Response Team" nitong Huwebes, kabilang sa uri ng isda na nakitang patay ay mga tilapia, asohos, sapsap, butete at iba pa.

Nangyari ang fish kill sa bahagi ng Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area, na isang protected nature reserve.

Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng fish kill pero pinayuhan ng mga awtoridad ang mga tao na huwag kainin ang mga patay na isda.

Sa inisyal na pagsusuri ng Las Piñas Agricultural Office,  posible raw na may kinalaman sa fish kill ang tubig mula sa mga ilog na lumalabas patungo sa Manila Bay. —LBG, GMA News