Ayaw magpakampante ng barangay captain at mga residente ng Barangay 273 sa Binondo, Maynila kahit na sinabi na ng mga pulis na walang demolisyong magaganap nitong Martes.

Tumawag na raw sa pulis si Mary Ann Arboleda, ang pinuno ng barangay, at sinabi ng mga ito na hindi sila magsasagawa ng demolisyon.

Ngunit nagbabantay pa rin ang mga residente sakaling bumalik ang demolition team.

May barikada pa rin sa kanto ng Barcelona Street.

 

 

Ang ilang residente, naglabas na ng mga gamit.

 

 

Ang kanilang mga damit ay nakabalot na rin sa mga plastic.

Kinarga na ng ilang residente ang kanilang mga gamit sa sasakyan.

 

 

Ang mga sasakyang nakaparada naman ay tinakpan ng karton at kutson para proteksyon sakaling may lumipad muling mga bote.

Sabi ng mga residente, naghahanda lang sila sakaling puwersahin silang paalisin.

Ayon pa sa mga residente, handa silang salubungin ulit ang demolition team sakaling bumalik ang mga ito.

Kung magkaganoon man, hindi raw nila maipapangako na hindi na mauulit ang nangyaring gulo nitong Lunes.

Nitong Lunes ng hapon, nagkagirian ang mga residente at ang demolition team sa Barcelona at Lavezares Streets.

Nagkabatuhan ng mga bote at Molotov bombs.

May ilang pulis na nasugatan, at isang miyembro ng demolition team ang itinakbo sa ospital.

Pinaaalis ang mga residente matapos may nagpakilalang babae na anak ng may-ari ng lupa at sinabi nitong hinayaan lang nilang tumira ang mga informal settlers dito nitong nakalipas na 45 na taon.

Sabi ng mga residente, kung may maipakita mang court order ang demolition team, handa silang makipag-usap.

Pero huwag naman raw sanang agad-agad silang paalisin dahil wala silang malalapitan.

Nasa 50 pamilya ang tinatayang mawawalan ng tirahan sakaling matuloy ang demolisyon.

 

 

Sabi ni Arboleda, sa pagkakaalam nila, wala talagang tiyak na may-ari ng lupa na kinatitirikan ng mga bahay na gigibain dito.

Marami raw ang umaangkin ng lupa nito.

Nanawagan ang mga residente na tulungan sila ng lokal na pamahalaan ng Maynila. —KG, GMA News