Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Supreme Court Associate Justice Diosdado Peralta bilang bagong Punong Mahistrado.
Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa GMA News Online nitong Miyerkoles ang pagkakatalaga kay Peralta. Papalitan niya ang nagretirong si Lucas Bersamin.
Si Peralta ang pinaka-senior na mahistrado sa tatlong kandidatong nakasama sa short list na pinagpilian ni Duterte. Ang dalawang iba pa ay sina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe at Andres Reyes, Jr.
Nahirang na mahistrado sa SC si Peralta noong panahon ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bumoto si Peralta pabor sa pagdeklara ni Duterte ng martial law sa Mindanao at ang pagpapalawig nita, ang pagpapatalsik sa kritiko ng pangulo na si dating chief justice Maria Lourdes Sereno, at pagbasura sa plunder case ni Arroyo.
Siya rin ang nagponente sa desisyon tungkol sa pagpapahintulot na mailibing si dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at inayunan niya na labag sa saligang batas ang Priority Development Assistance Fund o pork barrel funds.
Tubong Laoag, nagtapos ng abogasya si Peralta sa University of Santo Tomas law alumnus, at nagsimulang maging public prosecutor noong 1987. Naging trial court judge, associate justice at presiding justice of the Sandiganbayan, bago siya naitalaga sa SC noong 2009.
Magreretiro si Peralta sa hudikatura sa Marso 2022, pagsapit ng kaniyang ika-70 kaarawan.—FRJ, GMA News
