Pinagbabaril sa ulo ang isang 18-taong gulang na lalaki na bibili lang ng pagkain sa Caloocan City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.
Na-hulicam naman ang pagtakas ng salarin pero hindi kita ang mukha nito dahil nakatakip.
Kinilala ang biktima na si Heaven Abrina alias Pitong. Binaril siya bago maghatinggabi ng Miyerkoles sa harap ng isang sari-sari store sa Barangay 118, Caloocan City. Bibili lang daw sana ng pagkain ang biktima nang mangyari ang krimen.
Sa kuha ng CCTV, kita ang pagpasok sa eskinita ng salaring nakasuot ng itim na sweatshirt at jogging pants.
Matapos ang halos isang minuto, makikitang tumatakbo ang salarin papaalis sa lugar.
Apat hanggang limang putok ng baril daw ang narinig ng mga residente.
Laking gulat ng lolo at lola ng biktima na bangkay na nang matagpuan ang kanilang apo. Palaisipan din sa kanila kung ano ang posibleng motibo sa krimen.
Nakulong na ang biktima noong nakaraang linggo dahil sa cara y cruz pero nakalaya rin.
Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan Police sa insidente. —KBK, GMA News
