Arestado ang isang lalaki sa Maynila matapos umakyat sa puno ng mangga para magnakaw ng kableng ibebenta, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang suspek na si Philip Salalac, na agad na naaresto at nakunan ng cutting pliers at ilang kable.

Ayon kay Rambo Medina, chairman ng Barangay 438, naaresto si Salalac matapos may makakita sa kanyang mga bata at magsumbong sa barangay.

"Inabangan namin pababa, ayun, huli siya," ani Medina.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang. —KBK, GMA News