Nagpositibo sa African Swine Fever ang dalawa pang barangay sa Quezon City —Barangay UP Campus, at Barangay Santa Monica.

Iniulat ni  Tina Panganiban-Perez sa Unang Balita nitong Huwebes a kitang-kita ng mga taga-Quezon City veterinary Department ang panghihina ng isang baboy sa Barangay UP Campus noong ikas-29 ng Oktubre.

Pagkalipas ng dalawang araw, ika-31 ng Oktubre, namatay ang baboy na nakitaan ng sintomas ng African Swine Fever (ASF). Inilibing ang baboy ng mga nag-alaga nito.

Ayon sa may-ari, kaning-baboy ang ipinakakain sa mga alaga nilang baboy.

Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na sa kaning-baboy malamang nanggaling ang ASF virus.

Namatayan din ng alabang baboy ang isa pang may babuyan sa kaparehang barangay.

Hirit nila, sakaling kailangang patayin ang iba pa nilang mga alaga, dagdagan naman sana ang P3,000 kada baboy na tulong pinansiyal mula sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, mayroon 178 na mga alagang baboy sa barangay.

Samantala, nakitaan din ng ASF virus ang ialang baboy sa Barangay Sta. Monica.

Base sa protocol, lahat ng baboy sa loob ng 1 kilometer radius ay kailangang patayin. —LBG, GMA News