Tadtad ng saksak sa likod, leeg at dibdib ang katawan ng isang lalaki nang matagpuan sa loob ng silid sa isang lodge sa Sta. Mesa.
Ayon sa ulat sa “QRT”, sinabi ng room boy na may kasamang lalaki ang biktima nang mag-check in alas-onse kagabi.
Naka-motorsiklo raw ang dalawa at hindi nagtanggal ng helmet hanggang pumasok sa silid.
Dalawang oras lang dapat sila sa kuwarto kaya kinatok sila ng room boy ala-1 ng madaling araw nitong Lunes.
Nang walang sumagot, binuksan na nila ang silid at tumambad ang bangkay ng biktima na nakabalot pa sa duguang kumot.
Ang kanyang kasama, nawawala na.
Ayon sa homicide section ng Manila Police District, wala na ang ibang gamit ng biktima sa kuwarto kaya posibleng pinagnakawan siya. —NB, GMA News
