Nagalit si Manila Mayor Isko Moreno habang nagkukuskos ng graffiti sa Bonifacio Shrine nitong Lunes bilang bahagi ng paglilinis at pagsasaayos ng siyudad.

Sa video, ipinakita ng mayor kung gaano kahirap mabura ang pintura kahit buhusan pa ng cleaning solution.

“Tingnan ninyo gaano kahirap. Ito ang gusto niyo sa gobyerno? Ito ang gusto niyong pagkaabalahan namin, imbes na ang pagkaabalahan namin kung paano kayo bibigyan ng bahay, paano namin kayo bibigyan ng trabaho, paano namin kayo bibigyan ng gamot?” sabi ni Isko.

“Masaya kayo? Ikinalulugod ninyo ito?” dagdag pa niya.

 

Pinaalala rin ni Isko na pera ng taumbayan ang ginagamit pambili ng mga kagamitan para malinis ang mga graffiti na ito.

Ayon kay Isko, ang pondong magagamit sana sa pampublikong serbisyo tulad ng pabahay at libreng gamot ay mapupunta pa sa paglilinis ng mga bandalismo.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Isko ang mga grupong gumagawa ng mga graffiti na nagsasabing pinaglalaban nila ang mahihirap.

“’Di ba pinaglalaban niyo, mahirap? Sino gumagamit ng pampublikong ospital, ‘di ba mahirap? Sino ang makikinabang sa pabahay, ‘di ba mahirap?” sabi niya.

“Ito po mga mahirap naming kababayan, binobola nila kayo o ginagamit lang kayo nila para sa political goal nila. Gumising kayo, mga kababayan,” dagdag niya.

Idiniin din ng mayor na maraming pamamaraan ng “pagmamarakulyo” sa gobyerno, pero para kay Isko, ang pagpinta ng graffiti sa mga pampublikong establisimyento ay mali.

Nagpahayag din kamakailan ng pagkadismaya ang mayor dahil sa graffiti na ipininta ng grupong Panday Sining sa Lagusnilad Underpass—Joviland Rita/KG, GMA News