Nahuli-cam ang isang lalaki sa General Santos City na nagnanakaw sa ilang establisimyento, na ang modus ay pagpapanggap bilang trabahador.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa “24 Oras Weekend,” nagpanggap bilang isang glass installer ang lalaki at mistulang nagsukat sa loob ng isang tindahan ng cellphone parts.
Ayon sa tindera nito, nanghiram pa ang salarin ng panulat at inutusan pa siyang isulat ang mga sukat.
“Nagsukat-sukat ng salamin pero ang kaniyang pinapasulat, PH, PY, at humingi siya ng P3,800,” ani ng tindera ng establisimyento.
Hapon ng Martes ito nangyari sa Barangay Dadiangas East. Tinangay ng lalaki ang P3,700 ng tindera, ayon sa ulat.
Ayon sa pulisya, tatlong araw bago ang naturang insidente, nahuli-cam na rin ang lalaki sa isang kainan sa Barangay Dadiangas South.
Pagkapasok sa kainan ay ipinaling pa ng lalaki ang isang CCTV para hindi siya mahagip nito.
Lingid sa kaniyang kaalaman, may CCTV rin sa kusina ng establisimyento kung saan nakuhaan siya na pumasok at saka tinangay ang halos P2,000 na kita ng tindahan.
Ayon sa service crew ng kainan, nagpakilala umano ang lalaki bilang tubero na inutusan umano ng may-ari.
Nanghiram din ang lalaki ng panulat sa service crew at nanghingi naman ng P4,600 na pambili ng materyales, ngunit hindi ito nagbigay ng pera.
Sa ngayon, tinutugis na ng pulisya ang salarin. —Lyjah Tiffany Bonzo/VBL GMA News
