Isang lalaki na tila naging “Spiderman” sa pag-sabit nito jeep ang nag-viral sa social media matapos siyang makunan habang sinasapak at sinisipa ang isang pasahero bandang Taft Avenue, Maynila nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali para sa “24 Oras,” ang binugbog na pasahero ay isang taxi driver na nanghipo sa asawa ng kaibigan ni "Spiderman".

Kinilala ng Manila Police District ang lalaking sumabit sa jeep bilang si Jomar Alingod.

“Tinulungan ko lang kaibigan ko, hinipuan asawa niya. Nanlaban kasi ‘yung lalaki kaya ko tinutulungan,” aniya.

Ayon sa salaysay ni Alingod, tinutulungan lamang daw niya ang kaibigang si Edison Manalo Binucas at ang misis nito.

Hindi kita sa video, ngunit nasa loob si Binucas at binubugbog din ang umano’y manghihipo.

“Hinawakan niya ho sa dibdib at saka sa hita. Nagising ‘yung asawa ko, niyayaya siyang lumabas nung taxi driver. Nagsumbong sa’kin ‘yung asawa ko na hinipuan siya kaya hinabol po namin,” kuwento ni Binucas.

“Sinapak din ako nung ano, tinatanong ko lang ba’t niya hinipuan asawa ko. Nagtangka siyang umalis, hinabol namin hanggang sumakay siya ng jeep,” dagdag niya.

Ayon kay Binucas, natamaan pa raw siya ng dos por dos ng lalaking nanghipo sa kanyang asawa.

Ang manghihipo ay kinilalang si Leonides Frago, 52-anyos, na umamin sa pulisyang may kasalanan nga siya.

Humingi ito ng tawad at nangakong hindi na siya uulit.

Sa huli ay nagkaayos din ang dalawang kampo kaya wala nang nagsampa ng kaso.

Nagbayad pa ng P700 ang suspek sa kanyang mga naagrabyado.

Si Manila Mayor Isko Moreno naman, pinaalalahanan si Jomar na hindi pa rin tama ang kanyang ginawa.

“Gusto ko lang malaman niyo may kamalian din sa portion niyo pero kayo kayo na rin lang naman na involved nagkaayos na kayo, sana wag niyo nang uulitin na ilagay sa kamay ninyo ang batas,” aniya. —Julia Mari Ornedo/NB, GMA News