Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya mapagkakatiwalaan si Bise Presidente Leni Robredo kaya hindi niya mailalagay sa Gabinete at makasama sa pulong ng kaniyang mga opisyal.
"Ang problema ko kay Robredo... Marami na siyang pinagsasabi. If that is the way her mouth behaves there can be no position for her," saad ni Duterte sa pulong balitaan nitong Martes ng gabi.
"Ang problema dito, ganito. I cannot trust her not only because she is with the opposition. I do not trust her because I do not know her," dagdag pa ng pangulo kahit pa itinalaga niya si Robredo bilang anti-drug czar na co-chair ng Inter-agency Council on Anti-Illegal Drugs.
Hindi rin daw niya alam kung sino-sino ang mga taong kinakausap ni Robredo.
Sa kabila nito, sinabi ng pangulo na inatasan niya ang kapulisan na sundin si Robredo kaugnay sa mga plano nito sa pagsugpo sa problema ng droga sa bansa.
"To give more teeth to her power as long as there is security clearance from the military and the police, go ahead. Sabi ko sa pulis, 'You obey her'," ayon pa kay Duterte.
Bukod sa hindi pagiging miyembro ng Gabinete, hindi rin pinapayagan si Robredo na makita ang listahan ng high-value-targets sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga.
Una rito, sinabi ni Robredo na patuloy siyang magtatrabaho sa ibinigay na tungkulin sa kaniya sa ICAD kahit walang posisyon na ibibigay sa kaniya sa Gabinete.
READ: Robredo: If Duterte doesn’t trust me to lead drug war, why was I appointed?
"Kung wala silang tiwala, bakit nila ako dinesignate? Nung dinesignate nila ako, isa sa mga kailangan kong gawin ay masigurado na iyong nasa listahan ng high value targets ay mahuli," sabi ni Robredo sa mga mamamahayag nang makapanayam sa Navotas.
"Kung ipagkakait nila iyong impormasyon, nasa kanila iyon. Basta ako nung tinanggap ko ito, buong puso, gagawin ko lahat ng makakaya ko," dagdag niya.-- FRJ, GMA News
