Bubuweltahan at ibubunyag ni Speaker Alan Peter Cayetano ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat umano ng maling impormasyon para hindi magtagumpay ang 30th Southeast Asian (SEA) Games, na ginaganap ngayon sa bansa.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes sa San Juan City, sinabi ni Cayetano na may nagsabi sa kaniya tungkol sa umano'y "operasyon" para magpakalat ng "fake news" tungkol sa SEA Games.

May nagbalak pa umanong manuhol ng mga taga-media para mailathala ang mga maling impormasyon.

"We have our own analytics and our own metrics system, and that's available to you, it was only four or five websites na nagtapon ng fake news, paulit-ulit. So ano tawag mo doon?" sabi ni Cayetano.

"Even ilan sa mga media, umamin na sa amin na may umaagos na pera para siraan ang SEA Games. I don't know [kung magkano] because these were just told to me by close friends and they told me, buti na lang walang tumatanggap kasi for the country ito," dagdag niya.

Si Cayetano ang pinuno ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), isang private foundation na namamahala sa paghahanda sa SEA Games, na opisyal na magsisimula sa Sabado.

FULL COVERAGE: 30th Southeast Asian Games on GMA News Online

Sabi pa ni Cayetano, wala sa mga naturang media outlet na naglabas ng "fake news" ang nag-ulat ng paglilinaw tungkol sa mga naging aberya sa SEA Games hosting.

"Has any of these sites I'm talking about come out with the explanation of Century Park or of the hotel kung saan nila sinabi yung kikiam, hindi. Because they want to perpetuate the lie," giit niya.

"Every single mistake, pinapalaki, which is okay kung totoo. Pero marami talaga hindi," dagdag ng lider ng Kamara de Representantes.

Ayon kay Cayetano, handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon tungkol sa mga naging aberya sa SEA Games hosting, pero dapat din umanong maghanda ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng "fake news" sa isasagawang imbestigasyon tungkol sa kanila.

"Basta't handa ako sa imbestigation after the SEA Games. Humanda din kayo sa imbestigasyon kasi ia-unmask ko rin kayo," banta ni Cayetano.

"I-expose ko lang sila. Pabayaan ko na ang Pilipino na buweltahan sila," dagdag ng mambabatas na nagsabing posibleng magsampa siya ng demanda sa mga taong nagpakalat ng maling impormasyon.

"Yung mga nag-violate ng law na umabot sa libel and cyberlibel, yes. It's the obligation," ayon kay Cayetano.

"Anything that tries to smear my name or any personality okay lang kasi personal yun. But you try to smear the name of the SEA Games or of the country, dapat naman humarap ka," pahabol niya. — FRJ, GMA News