Isang 12-anyos na binatilyo ang nasawi matapos siyang malunod sa Butuanon River sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na naligo sa ilog ang biktima kasama ang mga kaibigan noong Linggo ng hapon.

Ilang saglit lang, bigla na lamang nawala ang binatilyo, kaya inakala ng tatlo niyang kasama na nauna na itong umuwi.

Hanggang sa hinanap sa kanila ng ina ang binatilyo. Doon na sila nag-ulat sa mga awtoridad, na agad nagsagawa ng search and rescue operations.

Kinabukasan na nakita ang binatilyo, malapit kung saan sila naligo.

Sinusubukan pang makunan ng panig ang pamilya ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News